dzme1530.ph

Palpak na serbisyo ng PALECO, pinaiimbestigahan sa Kongreso

Hinimok ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, ang Kongreso na review-hin ang prangkisa ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) dahil sa hindi maayos na serbisyo nito.

Ang PALECO ay pinaimbestigahan ni House Speaker Martin Romualdez sa Committee on Energy, na pinamumunuan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, dahil sa madalas na brownout sa probinsiya ng Palawan.

Sinabi ni Tulfo, na lumaki sa Palawan, simula nang mag-operate ang PALECO noong 1974, hindi na nawala ang reklamo sa kakulangan at hindi matatag na supply, at mahal na singil sa kuryente.

Araw-araw apat hanggang limang oras ang nangyayaring power interruptions sa Palawan.

Nairita si Tulfo dahil sa kabila ng masamang serbisyo, inamin ni PALECO General Manager Engr. Rez Contrivida na nuong Disyembre naglabas sila ng abiso na itataas ang singil sa kuryente mula sa P13.76 per kilowatt hour ay magiging P14.71 na ito.

Maging ang Energy Regulatory Commission ay nasermonan din ni Tulfo sa pagpayag nitong magtaas ng singil ang PALECO gayung pangit ang serbisyo nito.

Para kay Tuflo panahon na para tingnan ng House Committee on Legislative Franchises ang prangkisa ng PALECO dahil ang problema noong 1974 ay problema pa rin ngayong 2024. —sa panulat ni Ed Sarto

About The Author