Nasa desisyon ng plenaryo ng Senado o mayorya ng mga senador ang magiging pagsisimula ng impeachment proceedings.
Ito ang iginiit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa pagsasabing posibleng mapag-usapan ng mga senador sa pagbabalik ng sesyon mamayang hapon ang schedule ng impeachment trial.
Ipinaliwanag ni Escudero na wala namang magiging epekto sa pagsisimula mismo ng trial ang pag-atras nila sa pagbabasa ng articles of impeachment at pag-convene ng impeachment court sa June 11.
Iginiit ng senador na kahit simulan nila ngayong araw na ito o kahit sa June 11 ang pagbabasa ng articles of impeachment ay hindi pa rin naman uusad ang pagdinig dahil pagsapit ng June 30 ay mawawalan na ng awtoridad ang mga kongresistang tatayo bilang prosecutors.
Bagama’t dedepende sa debate mamaya kung mababago pa ang petsa, tiyak si Escudero na matutuloy na sa June 11 ang pagbasa ng articles of impeachment na susundan ng pagconvene nila bilang Impeachment Court.
Binigyang-diin ng senate leader na kung hindi rin naman uusad agad ang impeachment proceedings bago pa ang June 30 ay mas makabubuting ituon muna nila ang atensyon sa pagpapasa ng mahahalagang panukala.
Kasabay nito, tiniyak ni Escudero na walang kinalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naging desisyon nilang iatras ang pagsisimula ng proceedings.