Binigyang-diin ni Sen. Risa Hontiveros na hindi sapat na solusyon sa mga aberya ang pagsasapribado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang paliparan kasabay ng paggiit na kailangang tutukan ng gobyerno ang accountability at mas maayos na pamamahala sa mga local airports.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na hindi naman garantiya ng awtomatikong maayos na serbisyo sa publiko ang pagtake over ng pribadong sektor sa public utilities tulad ng airports.
Makikita anya ito sa karanasan ng bansa sa privately operated water, electricity at rail systems.
Tinukoy pa ng senador ang pag-aaral ng International Air Transport Association na nagsasaad na lima sa anim na international airports na maituturing na best airports sa mundo ay publicly owned and operated.
Iginiit ng senador na sa halip na madaliin ang pagsasapribado at deregulation, dapat pagtuunan ng pansin ng Malakanyang at ng Department of Transportation ang sistema ng pagpapatakbo ng NAIA upang hindi mauwi sa turuan at kamot ng ulo ang pagtugon sa bawat isyu, power outage man, mahabang pila, o aksidente sa paliparan.
Suportado rin ng mambabatas ang panawagan ni House Deputy Speaker Ralph Recto at iba pang opisyal na magkaroon ng technical system audit sa operasyon ng NAIA upang malaman natin kung ano ang mga proyektong dapat paglaanan ng pondo, para na rin sa ikagaganda ng serbisyo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News