Binigyang-diin ni Sen. Pia Cayetano ang kahalagahan ng sapat na pondo upang dagdagan ang teaching supplies allowance ng mga public school teachers.
Sa pagtalakay sa Bill No. 1964, o ang proposed “Kabalikat sa Pagtuturo Act” na pagtataas ng allowance ng mga guro mula P5,000 patungong P10,000, iginiit ni Cayetano na hindi lamang approval ng batas ang kanilang dapat na bigyang atensyon kundi ang pagtiyak na may sapat na pondo para rito.
Ipinaalala ni Cayetano na ang dagdag allowance ay mangangahulugan ng mas malaking budget sa ilalim ng taunang General Appropriations Act.
Ito ay sa gitna ng iba’t iba pang isyu sa edukasyon na kinakailangang bigyan ng kaukulang atensyon at budget.
Dapat anyang tiyakin ng mga senador sa approval ng batas ay mayroon itong kaakibat na sapat na pondo upang hindi umasa sa wala ang mga guro.
Sinabi ni Cayetano na hindi ito dapat matulad sa ibang magagandang batas na ang adhikain ay mapabuti ang kalagayan ng mamamayan subalit hindi naipatupad nang maayos dahil walang pondo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News