dzme1530.ph

Pagpasa ng National Land Use Act, inihirit ng CCC sa harap ng “Climate Abnormalities”

Nanawagan ang Climate Change Commission sa pagpasa ng National Land Use Act sa harap ng pagdalas ng “Climate Abnormalities” o pagbabago ng panahon at klima bunga ng Climate Change.

Sa Laging Handa public briefing, inihayag ni CCC commissioner Albert de la Cruz na sa pagkakaroon ng National Land Use Plan ay malinaw na matutukoy ang mga lugar na hindi dapat ginagawang human settlement o tirahan ng mga indibidwal.

Kabilang dito ang mga nasa danger zone tulad ng mga baybaying-dagat, estero, at landslide prone areas.

Sa pamamagitan ng Land Use Act ay matitiyak din ang tamang paggamit ng likas-yaman ng mga lupa.

Bukod dito, humiling din ang CCC sa pag-rebisa sa building code para maiangkop ang disensyo ng mga bahay sa matataas na pagbaha, upang hindi na kailanganing lumikas ng mga residente.

Suportado rin nito ang restrictions o pagpapataw ng mabigat na parusa sa sinumang magkakaroon ng violations sa land use policy.

Matatandaang ang National Land Use Bill na isang priority legislative agenda ng Administrasyong Marcos ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa kamara. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author