Aminado si Sen. Sherwin Gatchalian na nakakapagduda na sa Pilipinas pa nais ng Estados Unidos panatilihin ang mga Afghan refugee habang ipinoproseso ang kanilang special immigration visa.
Ayon kay Gatchalian, kung iisipin, hindi praktikal na ibiyahe pa patungong Pilipinas ang mga refugee dahil magdudulot ito ng malaking gastos sa transportasyon gayung maaari naman silang manatili sa Middle East countries.
Bukod dito, malaking kwestyon din kung saan mananatili ang mga Afghan gayundin ang kanilang araw-araw na pangangailangan.
Kung siya anya ang tatanungin, dapat sagutin ng Estados Unidos ang lahat ng pangangailangan ng mga refugee.
Nilinaw naman ng senador na hindi niya hinahadlangan ang pagtulong sa mga refugee subalit dapat muna anyang resolbahin ang mga praktikal na katanungan na maaaring gawin sa Senate Investigation.
Bukod sa logistics issue, malaking katanungan din sa senador ang isyu ng seguridad dahil hindi naman idinedetalye sa publiko ang background ng mga refugee. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News