Nangako ang Department of Tourism ng buong suporta nito para patatagin at palakasin pa ang turismo sa lalawigan ng Laguna.
Ito’y ayon sa Kagawaran ay kasunod ng proyekto nito na muling pasiglahin ang turismo sa bayan ng Pagsanjan kung saan matatagpuan ang Gorge National Park tampok ang bantog na Pagsanjan Falls.
Ayon kay Tourism Sec. Ma. Christina Frasco, mahigpit ang ugnayan nila sa Lokal na Pamahalaan ng Pagsanjan gayundin sa Pamahalaang Panlalawigan upang mapangalagaan ang mga tourist attraction sa lugar.
Kamakailan lang, lumagda sina Sec. Frasco kasama ang Local Chief Executives sa mga bayan ng Pagsanjan, Cavinti at Lumban para sa pagpapaganda ng 152 ektaryang Gorge National Park na siyang pinakamatandang pook pasyalan sa bansa.
Sinabi ni Frasco na sa pamamagitan nito, hindi lamang nito mapalalago ang turismo ng Pagsanjan kungdi makalilikha rin ito ng mas maraming trabao para sa mga residente roon. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News