dzme1530.ph

Paglilinaw sa ilang probisyon sa EDCA, magandang talakayin sa pulong nina PBBM at Pres. Biden —Sen. Imee

Naniniwala si Sen. Imee Marcos na magandang pagkakataon ang pulong nina Pang. Ferdinand “Bongbong’’ Marcos Jr., at US Pres. Joe Biden upang liwanagin ang ilang usapin na may kinalaman sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sinabi ng chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, dapat nang simulan ang pagsusuri sa renewal ng EDCA dahil matatapos na ito ngayong taon.

Kung intresado anya ang gobyerno na i-renew pa ang kasunduan ay pagkakataon ang pulong ng Pangulo at ni Pres. Biden para ito ay talakayin.

Iminungkahi ni Marcos na maglagay ng mga kondisyon na dapat magbayad ang US ng upa sa ating mga base militar na ginagamit ng mga sundalong kano.

Ipinaliwanag ng senador na isa sa pakay ng EDCA ay kumita ang sandatahang lakas at higit sa lahat ay ma-modernize  ang AFP.

Subalit paano anya mapapatupad ang modernisasyon sa AFP kung sagot ng gobyerno ang lahat ng gastusin sa base militar na ginagamit ng American troops kabilang na ang bayarin sa tubig at kuryente. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author