dzme1530.ph

Paglikha ng karagdagang trial courts sa 14 na lugar, lusot na sa committee level ng Senado

Inaprubahan na ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang mga panukala para sa paglikha ng mga dagdag na Regional, Municipal, at Metropolitan Trial Courts branches sa 14 na mga lugar na naglalayong mapabilis ang paglilitis sa mga kaso.

Bago inaprubahan ang mga panukala, nilinaw muna ni Committee Chairman Senator Francis Tolentino ang mga dapat isaalang-alang sa paglikha ng korte kabilang na ang pondong kakailanganin.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Court Administrator Justice Raul Villanueva na kailangang sa bawat korte, 300 kaso lamang ang dapat na limit subalit marami ang sumusobra.

Sa pondo anya ay mangangailangan ng P5 milyong sa bawat korte para sa dagdag na mga tauhan kabilang na ang prosecutors at public attorneys.

Kabilang sa inaprubahan ang paglikha ng RTC at MTC sa Rosario at San Juan sa Batangas; Cabagan sa Isabela; Navotas; Pagadian sa Zamboanga del Sur; Antipolo City sa Rizal; Calauag sa Quezon Province at sa Dinagat Islands.

Magdaragdag din ng mga korte para sa Island Garden City of Samal sa Davao Del Norte; Malaybalay sa Bukidnon; Ormoc sa Leyte; San Carlos sa Pangasinan; San Juan City; at sa Gingoog City sa Misamis Oriental. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author