dzme1530.ph

Paglagda ni PBBM sa Caregivers’ Welfare Act, malaking hakbang sa pagbibigay proteksyon sa mga OFW

Malaking hakbang para sa pagbibigay proteksyon sa karapatan at kapakanan ng mga caregiver partikular sa mga OFW ang pagsasabatas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Republic Act No. 11965 o Caregivers’ Welfare Act.

Ito ang binigyang-diin ni Senate Majority Leader Joel Villanueva matapos lagdaan ni Pangulong Marcos ang Caregivers’ Welfare Act noong Nobyembre 28 matapos ang ilang taong deliberasyon sa Kongreso.

Bago nilagdaan ang pinal na bersyon ng batas, isinulong ni Villanueva ang ilang amendment para pagtibayin ang panukalang batas.

Isang mahalagang probisyon sa batas ay dapat 18 taong gulang ang caregiver at dapat tiyaking ang mga bata ay protektado sa lahat ng uri ng pang-aabuso at pagsasamantala.

Kabilang dito ang paghadlang sa child labor gayundin ang debt bondage, tulad ng caregiving services kapalit ng matrikula o living arrangement.

Ayon kay Villanueva, ito ay nakahanay sa kasalukuyang requirement ng Technical Education and Skills Development Authority para sa prospective trainees ng Caregiving Course na makatapos muna ng high school.

Nilinaw din ng Majority Leader ang kahulugan ng caregiver kung saan isasama ang mga sinertipikahan ng TESDA o licensed health professionals na boluntaryong nagpalista bilang caregivers sa Philjobnet at Public Employment Services Office (PESO) ng Department of Labor and Employment (DOLE). —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author