dzme1530.ph

Paghigop sa natitirang langis sa lumubog na MT Princess Empress, sinimulan na!

Nakarating na kahapon ng umaga sa Calapan Anchorage Area ang Dynamic Support Vessel (DSV) Fire Opal kung saan isinagawa ang boarding formalities.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nasimulan na ang “siphoning” o paghigop sa natitirang langis sa lumubog na MT Princess Empress sa katubigan ng Naujan, Oriental Mindoro.

Ayon kay Incident Management Team-Oriental Mindoro (IMT-Ormin) Commander, CG Commodore Geronimo Tuvilla, aabutin ng 20 hanggang 30 araw ang naturang operasyon, depende sa lagay ng panahon at “subsea progress.”

Inaasahan ng PCG na ang proseso ay maghahatid ng daan para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar at pagbabalik sa normal na buhay ng mga apektadong residente.

Ang DSV Fire Opal ay “chartered” ng Malayan Towage and Salvage Corporation at kinontrata naman ng Protection and Indemnity (P&I) Insurance Club.

Nabatid na ang nasabing DSV Fire Opal Vessel ay naglayag mula sa Singapore noong May 19, at nakarating ito sa Subic Bay Freeport Zone nitong May 26, saka ito dumiretso sa katubigan ng Oriental Mindoro. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News

About The Author