dzme1530.ph

Pagdinig ukol sa kaso ng pagpatay kay NegOr Gov. Roel Degamo at iba pang kaso ng pagpatay sa mga lokal na opisyal, umarangkada na

Umarangkada na ang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at iba pang kaso ng pagpatay sa mga lokal na opisyal.

Present sa pagdinig sina Justice sec. Crispin Remulla, DILG sec. Benhur Abalos, Comelec Chairman George Garcia, ang may bahay ni Degamo na si Pamplona Mayor Janice Degamo at iba pang mga opisyal ng AFP at PNP.

Bago naman umarangkada sa mismong usapin, tinalakay ng mga senador ang pagtutol ni Mayor Janice Degamo sa pagpapaharap kay Cong. Arnolfo Teves sa pagdinig virtually.

Dahil sa mga mismong apela rin ng mga senador, nagdesisyon ang chairman ng kumite na si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na huwag nang payagan ang virtual presence ni Teves.

Ipinaliwanag ni dela Rosa na unanimous ang naging desisyon ng kumite dahil posible anya itong magkaroon ng implikasyong ligal.

Sinabi ng senador na dahil hindi alam ng sinuman sa bansa ang eksaktong kinaroroonan ni Teves, hindi nila maaaring mapapunta ang suspended congressman sa embahada para makapanumpa sa kanyang mga isasalaysay sa kumite.

Dahil dito, mawawalan anya ng malinaw na hurisdiksyon ang kumite sa kongresista na kung magkakaroon ng dahilan para ito ay i-cite for contempt ay mahihirapa silang ito ay ipaaresto.

Nilinaw naman ni dela Rosa na bukas pa rin ang Senado para kay Teves subalit kinakailangan itong humarap sa kumite nang personal. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author