Ipinalilipat ng Department of Justice (DOJ) sa Maynila ang pagdinig sa mga kasong isinampa laban sa lider at 12 iba pang kasapi ng Socorro Bayanihan Services Inc.
Nabatid na patong-patong na reklamo, gaya ng Qualified Trafficking, Kidnapping and Serious Illegal Detention, at Child Abuse ang naisampa na laban sa mga miyembro ng umano’y kulto noon pang Hunyo pero wala pang nangyayari dahil sa inihahaing motion to inhibit ng nagpapakilalang religious group na Omega de Salonera.
Ayon kay Justice Assistant Secretary Mico Clavano makabubuting sa Maynila dinggin ang mga kaso at inaasahan na din anila ang mga petisyon na maiharap ang nasa 50 batang biktima sa mga petitioner; kabilang ang kanilang mga magulang na parte pa rin ng grupo.
Kaugnay nito, sinabi ng PNP na katuwang sila ng National Bureau of Investigation sa pangangalap ng ebidensiya laban kay Jay Rence Quilario, alyas “Senior Aguila” na itinuturing na pinuno ng Socorro cult.