Hindi na muling bubuksan ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang pagsisiyasat sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo kahit pa umuwi na sa bansa si suspended Cong. Arnolfo Teves.
Ipinaliwanag ni dela Rosa na kung gagawin nila ito ay posible silang maakusahang bias pabor kay Teves.
Iginiit pa ng senador na binigyan na nila ng sapat na pagkakataon si Teves na humarap sa pagdinig pero sinayang niya ito dahil sa hindi pagsipot
Una rito, sinabi Justice Sec. Crispin Remulla na may impormasyon na maaring umuwi sa bansa ngayong araw si Teves na itinanggi naman ng kampo ng suspendidong mambabatas.
Sinabi ni dela Rosa na hanggat walang mabigat na dahilan hindi nila muling bubuksan muli ang pagdinig sa mga political killings matapos ang limang beses na pagdinig.
Sa mga naturang pagdinig, humarap ang halos 100 testigo mula sa kampo nina Degamo at Teves bago naman nagpasya ang public order and dangerous drug committee na i-terminate na ang hearing. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News