Tiniyak ni Sen. Sonny Angara na limitado lang sa panukalang pag amyenda sa tatlong economic provision ng konstitusyon ang kanilang pagdinig sa resolusyon para sa Charter change.
Si Angara ang naatasang mamuno sa nilikhang subcommittee ng Senate Committee on Constitutional Amendments para sa panukalang Cha-cha.
Sinabi ni Angara na pagtutuunan lang nila ng pansin sa pagdinig ang nakapaloob sa Resolution of Both Houses no. 6.
Ito ay ang pag-amyenda sa probisyon ng konstitusyon ukol sa public utilities, educational institutions at advertising companies’ para mabuksan ang mga ito sa 100% foreign ownership.
Sa ganitong paraan ay talagang nakapokus at limitado lang anya ang talakayan sa nilalaman ng resolusyon.
Ayon kay Angara, iimbitahan nila sa pagdinig ang mga kinatawan mula sa ibat ibang sektor ng ating lipunan at mga eksperto para matiyak ang maayos na talakayan at debate sa panukalang economic cha cha.
Tiniyak din ni Angara na walang maisasama sa talakayan ukol sa political provision ng konstitusyon
Una na ring nangako si Senate President Juan Miguel Zubiri na handa siyang magbitiw sa puwesto oras na may naisingit na political provision sa pagsusulong ng economic Cha-cha. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News