Ikinukunsidera ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri ang pagbuo ng isang tanggapan sa loob ng Senado na tututok sa pagbusisi sa implementasyon ng mga proyekto ng mga ahensya ng gobyerno na pinondohan ng Kongreso.
Ginawa ni Zubiri ang pahayag kasunod ng pagsisiwalat ni Senador Raffy Tulfo na may mga proyekto ang National Irrigation Administration ang napondohan subalit ilang taon na ang nakalilipas ay hindi pa rin natatapos o ang iba ay hindi pa nasisimulan man lamang.
Sinabi ng lider ng Senado na magiging pangunahing tungkulin ng bubuuing tanggapan na magkaroon ng tracker team para sumuri sa mga proyekto ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Malaking tulong anya ito sa pagbalangkas ng Kongreso ng pambansang pondo upang matiyak ang absorptive capacity ng isang ahensya bago bigyan ng bagong budget.
Kung lilitaw anya sa pagsusuri na hindi pa nagagawa ng mga ahensya ng gobyerno ang mga proyektong pinondohan ay hindi na sila dapat bigyan ng dagdag na pondo o bawasan ang kanilang budget. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News