Isinusulong ni Sen. Mark Villar ang panukala na babalangkas ng Alert System laban sa kidnapping at iba pang krimen laban sa mga bata.
Sa kanyang Senate Bill 2256 o ang proposed Philippine Amber Alert Act, sinabi ni Villar na posibleng maresolba ang mga kaso ng kidnapping at iba pang krimen kung magkakaroon ng sistema upang malaman ng publiko ang up-to-date information kaugnay sa mga nawawala o nakikidnap na bata sa pamamagitan ng malawak na pagpapalabas sa telebisyon, radyo at wireless devices.
Sinabi ni Villar na ang sistema ay unang dinevelop sa United States ay naglalayong makuha ang kooperasyon ng komunidad sa paghahanap sa mga nawawalang bata at ang mga posibleng kidnappers nito.
Nakasaad sa panukala ang pagbalangkas ng mekanismo upang agad na maipakalat ang impormasyon sa mga kaso ng kidnapping o pagkawala ng isang bata na posibleng manganib ang kaligtasan.
Bubuuin ang Philippine Alert System na pamamahalaan ng Department of Interior and Local Government sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, broadcast media entities at social media platforms.
Bubuhayin ang Alert System sa sandaling makumpirma ang kaso kidnapping at ang biktima ay 17-anyos pababa na nanganganib na masaktan o mapatay; gayundin kung may sapat na impormasyon na maipapakalat sa publiko upang mabawi ang dinukot na bata.
Ang sinumang masasangkot sa hindi tamang paggamit ng alerto o magbibigay ng maling impormasyon ay papatawan ng kulong na hindi bababa sa dalawang taon subalit hindi lalagpas sa anim na taon at multang P500,000 hanggang P1-M. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News