Isinusulong ni Sen. Sonny Angara ang pagsasabatas ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na ipinatutupad ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa paghahain ng Senate Bill 2032, iginiit ni Angara na marami pa ring pamilyang Pilipino ang mahihirap na ang kita lamang sa isang buwan ay nasa P9,416 o P113,000 kada taon.
Sa mababang kitang ito mas napapalala ang sitwasyon sa mga panahon ng emergency at mga kalamidad na hindi naman kontrolado ninuman.
Sa mga ganitong sitwasyon anya, nagiging tagapagligtas ang DSWD sa mga pamilyang nahihirapan sa mga krisis dulot ng kalamidad kaya’t nararapat lamang na isabatas na ang programa.
Ang AICS ay bahagi ng Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances (PSFIDC) ng DSWD.
Kabilang sa serbisyo ng AICS ang financial assistance para sa transportasyon, serbisyong medikal, pagpapalibing, pagkain at iba pang support services.
Alinsunod sa panukala, bawat kwalipikadong benepisyaryo ng AICS ay makatatanggap ng financial, medical, transportation, food, material assistance at iba pang assistance, kasama na ang disability support services, psychosocial support o pagtulong sa ga dysfunctional families at kanilang mga anak na nangangailangan ng trauma care at management, gayundin ang legal consultation. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News