Walang nakikitang problema si Senate Committee on Agriculture Chairperson Cynthia Villar kung ibebenta man sa Kadiwa stores ang mga nasabat na smuggled na asukal.
Ipinaliwanag ni Villar na ang mga nasabat na smuggled goods ay lilitaw nang pagmamay-ari ng gobyerno.
Dalawa lang aniya ang maaaring gawin sa mga nakumpiskang asukal: ang sirain o silaban ito o kaya ay ibenta sa Kadiwa stores.
Sa usapin naman ng presyo, sinabi ni Villar na nasa polisiya na ito ng administrasyon.
Binigyang-diin naman ng senador na mapupunta rin sa pamahalaan ang kita mula sa pagbebenta ng mga nakumpiskang asukal.
Una nang sinabi ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na plano nilang ibenta ngayong Mayo sa presyong P85 per kilo ang mga nakumpiskang smuggled sugar. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News