Hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na madaliin na ang pagpapalabas ng mga patakaran o polisiya sa mga charging station para sa mga electric vehicles.
Sinabi ni Gatchalian na pinakamalaking hadlang sa paggamit ng mga EV ang kawalan ng charging stations dahil marami sa mga nagnanais bumili ng sasakyan ay nangangambang mapadpad sa lugar na walang charging stations.
Bukod sa DOE, ipinaliwanag ni Gatchalian na may kailangan ding ayusing polisiya ang DPWH para tuloy-tuloy na ang pag-arangkada ng mga EV sa bansa.
Mandato anya ng DPWH ang paggawa ng revision sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng national building code at ang green building code para sa pag-install ng mga charging station.
Sa ngayon anya ay pito pa lamang sa 19 na mga polisiya ang nailabas na sa ilalim ng Comprehensive Roadmap for the Electric Vehicle Industry (CREVI) at may natitirang pang 12 na kailangang ayusin.
Target ng gobyerno na umabot sa 850,100 electric vehicle sa bansa at charging stations na aabot sa 20,300 hanggang 2040. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News