dzme1530.ph

Pagbabawal sa pagbebenta ng smuggled agriculture products, ipinasasama sa Anti-Agricultural Smuggling Law

Nais ni Sen. Risa Hontiveros na maisama sa pag-amyenda sa Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act ang pagbabawal sa pagbebenta ng mga smuggled na produkto.

Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa agricultural smuggling, pinuna ng senadora ang pagbebenta ng gobyerno ng mga nakumpiskang agricultural products sa Kadiwa Store partikular ang mga asukal.

Ipinaliwanag ng mambabatas na kapag produktong agrikultural ang ipinuslit sa bansa, kadalasang ang paraan ng disposal ay condemnation upang hindi na magamit, pagsusubasta o donasyon.

Sinabi naman ni Customs Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, ang mga smuggled agricultural product ay dapat na mayroong Sanitary and Phytosanitary Import Clearance o kaya ay na-clear ng Department of Agriculture (D.A.).

Kung may sapat na mga clearance ay maaaring maipasubasta at ang pondo ay ilalagak sa kaban ng bayan.

Pero dahil ang mga smuggled na agrikultural na produkto ay walang kaukulang clearance, condemnation o pagsira ang kadalasan na paraan na ginagamit dito.

Dahil dito, nagtataka si Hontiveros kung bakit ang mga smuggled na agri-products ay ibinebenta ng pamahalaan sa mga tao sa halip na ipamahagi na lamang. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author