Kinumpirma ni Sen. Sherwin Gatchalian na maging siya ay pabor sa pagbabalik sa dati ng ipinatutupad na school calendar sa basic education.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na nakasanayan na ng lahat na ang bakasyon sa eskuwela ay nasa buwan ng Abril at Mayo habang ang pasukan ay mula Hunyo hanggang Marso.
Sa ganitong sistema anya ay mas maraming pagkakataon ang mga bata na makapaglaro kasama ang kanilang mga kaibigan at nakakapabonding kasama ang pamilya sa panahon ng summer.
Gayunman, hindi na nakikita pa ni Gatchalian na kailangan pa ng batas para rito dahil maaari namang magsagawa na lang anya ng dayalogo sa Department of Education.
Sa tantya naman ng senador na posibleng abutin pa ng tatlong taon bago tuluyang maibalik ang implementasyon ng dating school calendar dahil kailangan anya itong dahan-dahanin upang hindi maapektuhan ang sapat na bakasyon ng mga estudyante. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News