Hindi madali ang pagbabalik ng school calendar o summer vacation ng mga estudyante sa Abril at Mayo.
Ito ang binigyang-diin ni Teacher’s Dignity Coalition (TDC) chairperson Benjo Basas kasunod ng isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian na ibalik ang dating school calendar dahil sa banta ng heat exhaution at heat stroke sa mga mag-aaral at guro.
Aniya, posibleng abutin ito ng hanggang limang taon bago maibalik dahil hindi basta-basta ang transition, lalo’t magtatapos ang school year ngayong taon sa buwan ng Hulyo at hindi maaaring gawin ang pasukan sa Agosto.
Giit pa ni Basas, hindi problema ang pagpasok ng mga estudyante sa panahon ng tag-init dahil maraming paraan na pwedeng gawin tulad ng pagdadagdag ng electric fan o aircon sa mga silid-aralan at pagkakaroon ng maayos na bentilasyon.
Nabatid na sinabi ni DepEd spokesman Michael Poa na ipauubaya nila sa mga pamunuan ng paaralan ang pasya kung sususpindihin ang In-person classes at ililipat sa Alternative delivery mode o blended learning.