Sisimulan na ng Pilipinas ang pagpapadala ng carabao mangoes sa Australia ngayong buwan, ayon sa Philippine Embassy sa Canberra.
Sinabi ng Philippine Trade and Investment Center(PTIC) sa Sydney na naghahanda na sa initial shipment ng naturang produkto ang e-commerce at logistics provider na FASTBOXPH at 1EXPORT, na isang one-stop shop platform para sa cross border trade.
Kaugnay nito, nagpahayag ng suporta si Philippine Trade Rep. to Australia Alma Argayoso sa pagsisikap ng Pilipinas na mapabuti ang bilateral agriculture trade, partikular sa pag-eexport ng mga mangga.
Nilinaw din ni Argayoso na ilang taon ngg interesado ang Australia sa pag-iimport nito, subalit naantala ang mga plano dahil sa COVID-19 pandemic.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang PTIC Sydney sa Bureau of Plant Industry-National Plant Quarantine Services Division ng Dept. of Agriculture para sa pagdedeliver ng naturang produkto. —sa panulat ni Airiam Sancho