Sisikapin ni Senador JV Ejercito na maisulong at maaprubahan ngayong taon ang panukalang naglalayong amyendahan ang Universal Health Care law partikular ang probisyon na may kaugnayan sa dagdag na premium sa Philhealth.
Hihikayatin ni Ejercito ang liderato ng Senado na iprayoridad ang pagtalakay sa kanyang panukala na naglalayong ibaba muna sa 3.5% sa halip na 5% ang increase sa premium sa PhilHealth.
Iginiit ng senador na ngayong bumabawi pa lamang ang marami sa mga Pilipino mula sa epekto ng COVID-19 pandemic, hindi makatwirang patawan agad sila ng mataas na premium.
Ipinaliwanag ni Ejercito na nang kanilang isabatas ang Universal Health Care ay wala pang pandemya kaya’t kanilang isinama ang 5% increase.
Kasabay nito, nagpahayag ng kumpiyansa si Ejercito na hindi maaapektuhan ang mga health benefits na pinagkakaloob ng PhilHealth kahit pa ibaba ang dagdag sa premium.
Subalit hangga’t hindi anya naaprubahan ang kanyang panukalang amendment ay tuloy ang 5% increase sa premium. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News