dzme1530.ph

Paaalising foreign POGO workers, malayang makababalik ng bansa kung hindi iba-blacklist ng gobyerno

Inihayag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na malaya pa ring makababalik ng bansa ang mga paaalising dayuhang trabahador ng Philippine Offshore Gaming Operators at Internet Gambling Licensees, kung hindi sila iba-blacklist ng gobyerno.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, sinabi ni PAOCC Spokesman Dr. Winston Casio na ang tanging ipade-deport at ide-deklarang blacklisted ay ang mga mahuhuling foreign workers sa mga iligal na POGO at IGL.

Gayunman, ang mga nagta-trabaho sa ligal na POGO at IGL ay ire-repatriate, ngunit pwede pa rin silang bumalik ng Pilipinas maliban na lamang kung maglalabas ng polisiya ang national gov’t na maglalagay din sa kanila sa blacklist.

Mababatid na binigyan ng 60-araw ang tinatayang nasa 20,000 foreign POGO workers na kusa nang umalis ng bansa, matapos itong i-ban ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong nakaraang linggo.

Ibinahagi naman ng PAOCC na sa ngayon ay 1,698 na illegal POGO workers na ang naipa-deport mula noong Mayo 2023.

About The Author