dzme1530.ph

P70 kada kilo ng asukal sa Kadiwa Stores, mataas pa rin

Hindi pa rin patas na presyo ang ₱70 bawat kilo na benta ng asukal sa Kadiwa Stores, lalo na kung kasama ito sa mga nakumpiskang smuggled products.

Ito ang pahayag ni Senador Risa Hontiveros kung pagbabatayan ang kwenta nila sa pumasok na 440,000 metric tons ng asukal sa bansa.

Ipinaliwanag ni Hontiveros na sa kanilang pagkukuwenta, kung dumaan sa tamang proseso ang importasyon ng asukal, nasa pagitan lamang ng ₱50 hanggang ₱60 ang bawat kilo ng asukal.

Sinabi ng senadora na sa kanila pang impormasyon, sa Thailand na isa rin sa mga bansang pinag-aangkatan ng asukal ay nabibili ito sa presyong ₱28 kada kilo.

Aminado naman si Hontiveros na hindi tamang ibenta ang mga nakukumpiskang smuggled na produkto bagkus ito ay dapat na sinisira o kung hindi naman ay ibinabalik sa pinanggalingan.

Gayunman, dahil sa kakapusan ng suplay ang bansa, nakakapanghinayang na itapon na lamang ang mga nasasabat na smuggled sugar. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author