Aabot sa P7.7-M ang kabuuang halaga ng shabu na nakumpiska ng mga otoridad sa tatlong entrapment operations sa Marawi City.
Sa hiwalay na pahayag nitong Biyernes ng Marawi City Local Government Unit at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nasamsam ang P204,000 na halaga ng shabu sa mga na-entrap na sina Rocaya Minalang Ampuan, Norhidaya Urab Balowa, Nuraina Minalang at Reyhana Demaro, nitong hapon ng Huwebes sa Barangay Wawalayan Calocan sa Marawi City.
Unang na-entrap ng mga kasapi ng PDEA-BARMM nitong Martes sa Barangay Gadongan sa Marawi City sina Rahib Solaiman Cayugan at kasabwat nitong babae, na si Norain Anto Gunda, na nabilhan ng P6.9-M na halaga ng shabu sa naturang anti-narcotics operation.
Ang pagkaka-entrap kina Cayugan at Gunda ay sinundan ng pagkaka-aresto nitong Miyerkules kina Sarip Osngan Mamangacao at Alihassan Ampuan Mangacop sa Barangay Bobonga-Marawi sa Marawi City matapos magbenta ng P689,000 na halaga ng shabu sa mga hindi unipormadong mga kasapi ng Marawi CPS at Lanao del Sur PPO. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News