Inihirit ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel sa Department of Education (DepEd) na ilaan na lamang sa mental health programs at pagpapatupad ng full face-to-face classes ang proposed P150 million na confidential fund.
Ito ay makaraang lumabas sa budget hearing ng House Committee on Approriations na P160 million lamang ang nakalaang pondo ng kagawaran para sa mental health programs, guidance counselling programs, at iba pang programa para sa mga kabataan.
Ayon sa mambabatas, nakakadismaya na mas mataas pa ang pinagsamang Confidential at Intelligence Funds ng Education Department at Office of the Vice President kaysa sa mga nabanggit na programa na siyang dahilan kaya tumataas ang bilang mga nagpapakamatay na estudyante.
Mas dapat aniya na iprayoridad ng DepEd ang maayos na pagpapatupad ng in-person classes lalo’t umaabot na sa halos 30-million ang enrolled students sa bansa. —sa panulat ni Jam Tarrayo