Tinaya sa P120-M na halaga ng mga hinihinalang smuggled frozen poultry at seafood products ang nakumpiska sa pagsalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa pitong warehouses o cold storage facilities sa Navotas City.
Pinangunahan ni Alvin Enciso, pinuno ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port, ang raiding team sa pagsisilbi ng Letters of Authority na pirmado ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio sa mga kinatawan ng mga warehouse.
Sa pag-i-inspeksyon sa mga warehouse, kabilang sa mga natagpuan ng mga otoridad ay poultry products, gaya ng frozen pig pork legs, chicken drumsticks, pork spareribs, squid rings, pork ears, chicken feet, golden pampano, pangasius fillet, at fish tofu.
Bagaman karamihan sa frozen seafoods ay mula sa China, mayroon ding karneng baka mula sa Brazil at Australia, at karneng baboy mula sa Amerika at pork ears mula sa Russia.