Inakusahan ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co, si Albay Cong. Edcel Lagman ng pagsisinungaling ng sabihin nitong ginagamit ang P12-B budget ng Comelec sa Charter change initiative.
Ayon kay Co, Chairman ng Appropriations panel sa Kamara, walang nangyaring insertion sa budget ng Comelec sa Bicameral Conference Committee dahil ibinalik lang nila ang P12-B na tinapyas ng DBM mula sa original budget na hiningi ng poll body na P19.4-B para sa 2024.
Personal umanong umapela si Comelec Chairman George Garcia sa budget hearing na i-restore ang P17.4-B para sa “Conduct and Supervision of Elections, Referenda, Recall votes at Plebiscites” ng poll body.
Paliwanag pa ni Co, tanging P12-B lang ang naibalik nila dahil ang P5.4-B na kakulangan ay inilagay pa sa unprogrammed funds for future funding.
Kasunod ng paliwanag tinawag ni Co si Lagman na irresponsable sa ginawang akusasyon.
Hinamon pa nito si Lagman na patunayan na ang P14-B budget ng Comelec o kahit bahagi lang nito ay ginagamit para isulong at pondohan ang pag-amyenda sa 1987 Constitution. —sa panulat ni Ed Sarto, DZME News