dzme1530.ph

P1.6-M na halaga ng unregistered food products, nakumpiska sa Cavite

Inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawa katao, kabilang ang isang South Korean national, dahil sa pagbebenta ng hindi rehistradong imported food products na nagkakahalaga ng P1.6-M, sa Cavite.

Sinabi ni CIDG chief Brig. Gen. Romeo Caramat Jr. na sinalakay ng mga tauhan ng CIDG-Cavite at personnel ng Food and Drug Administration (FDA) ang isang establisyimento sa Barangay Sabutan sa bayan ng Silang.

Kabilang sa mga nasamsam ang 545 boxes ng Luncheon Meat, 165 boxes ng Jardin Triple Brew coffee, 50 boxes ng Jardin Blue Lemonade, at 77 boxes ng Delicious BorYung Laver, na ang lahat ng labels ay nakasulat sa wikang banyaga.

Nasakote sa operasyon ang may-ari ng establisyimento na si Yong Cheol Baek at Operations Manager na si  Jennelyn Arnado.

Pinag-iingat naman ni Caramat ang publiko sa pagbili ng unregistered products dahil maari itong magdulot ng panganib sa kalusugan. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author