Hiningi ng Catholic Bishop Conference of the Philippines sa mga opisyal at may mga katungkulan sa simbahan na magbitiw ito sa kanilang mga pwesto sakaling naghain ng kanilang kandidatura para sa Barangay at Sangguniang Kabataan election.
Ayon kay Malolos Bishop Dennis Villarojo, dapat daw magsumite ng kanilang resignation ang sinumang Katoliko na may hinahawakan na tungkulin sa simbahan kung hindi nila maiwasan na pumasok sa pulitika.
Kung hindi daw sila magsusumite ng resignation, ituturing pa rin sila ng simbahan na mga nagbitiw sa tungkulin sa araw na sila ay magsumite ng Certificate of Candidacy.
Hindi daw pwede na pagsabayin ang tungkulin sa simbahan at Barangay lalo pa at non-partisan ito.
Ngunit sakaling matalo sa Halalan, maaari naman daw silang makabalik sa kanilang mga tungkulin pero ito ay kailangan munang aprubahan ng isang Parish Priest.
Bukod sa mga may tungkulin sa simbahan, ipinagbabawal na din ng CBCP na gamitin ang kanilang mga pasilidad sa anumang pagpupulong, rally o kaya ay meeting de avance. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News