Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa 80.71% na ng baybayin ng bayan ng Pola sa Oriental Mindoro ang nalinis sa oil spill.
Base sa Day 59 Summary report ng PCG Incident Management Team, nalinis na ang mga baybayin ng mga barangay Misong, Tagumpay, Puting Caco, Tiguihan, Bayanan, Zone 1, Zone 2, Batuhan, Calima, Buhay na Tubig, at Bacawan.
Nasa 74.82% ng baybayin naman ang nalinis na sa bayan ng Naujan kabilang ang barangays Masaguing at Herrera.
Ayon pa sa Oil Spill Response Team, nasa 28 sa 34 na kilometro ng baybayin sa Pola ang nalinis at lima sa pitong kilometro naman sa Naujan.
Idineklara naman ang mga Barangay Tuguihan, Zone 1 at Zone 2 sa Pola na 100% clean.
Pitong kilometro pa ng baybayin sa Pola at dalawang kilometro sa Naujan ang patuloy na lilinisin ng mga nagsanib na ahensya ng pamahalan at volunteers na magkakasa na ng Phase 2 at 3 Shoreline Clean-up.
Gagamitan na nila ito ngayon ng flushing, pressure washing, pebble washing at manual cleaning para matanggal lahat ng bakas ng langis.
Patuloy rin ang pagbabantay ng PCG sa bisinidad na katubigan para sa posibleng paglabas ng mga bagong oil spill. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News