Tiniyak ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na rerebyuhin na nila ang reklamo laban sa noontime show na “E.A.T.” sa TV5.
Ayon sa MTRCB, marami silang natanggap na complaint kaugnay sa isang segment ng naturang show na ipinalabas noong 23 ng Setyembre kung saan pabirong sinabi ng host na si Joey de Leon ang salitang “lubid” sa isang tanong tungkol sa mga bagay na maaaring ipulupot sa leeg ng isang tao.
Aalamin aniya ng ahensya kung “valid” ang naturang remark o lumabag sa Presidential Decree no. 1986 at sa Implementing Rules and Regulations.
Sakaling mapatunayan na nilabag nito ang batas, ay agad na iisyuhan ng MTRCB ng notice to appear at testify ang mga nasa likod ng programa para pagpaliwanagin.
Nabatid na una nang ipinangako ng MTRCB na mariin nilang tututukan at titiyaking angkop ang nilalaman ng lahat ng mga palabas at pelikula para sa mamamayang Pilipino. —sa panulat ni Jam Tarrayo