Dapat sampahan ng mga kasong kriminal ang driver na nagkasa ng baril sa isang siklista, ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos.
Sa statement, sinabi ni Abalos na hindi dapat pinapayagan sa bansa ang culture of impunity at hindi dapat hinahayaan ang mga bully na pagpakalat-kalat para manakot ng ibang tao dahil sa dala nilang armas.
Inihayag ng kalihim na kahit nakipag-ayos na ang motorista na nakilalang si Wilfredo Gonzales sa nakaalitan nitong siklista, ay dapat pa rin itong sampahan ng criminal cases.
Aniya, makakasuhan pa rin ang driver kahit tumanggi na ang biktima, basta’t mayroong witness na handang magbigay ng mga detalye ng insidente. —sa panulat ni Lea Soriano