dzme1530.ph

MMDA Traffic Aide, arestado dahil sa Robbery Extortion

Arestado ang isang traffic aide ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isinagawang joint entrapment operations ng Regional Special Operations Group (RSOG) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at ng MMDA Intelligence and Investigation Office (IIO) sa Port Area, Maynila noong Marso 31.

Kinilala ang naarestong suspek na si MMDA Traffic Aide Rey Gaza, 53, kasalukuyang nakatalaga sa MMDA Northern Traffic Enforcement Division – Traffic Reaction Unit.

Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng may-ari ng isang trucking company na nag-ooperate sa North Harbor at Valenzuela.

Ang nagrereklamo, si Mr Salvador Jecino, iginiit na si Gaza at ang kanyang mga kasamahan ay nangongolekta ng “payola” na pera na nagkakahalaga ng P10,000 bawat buwan mula noong 2019 upang maiwasan ang abala at upang matiyak ang maayos na operasyon ng kanyang negosyo sa trucking at transport service.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes na hinding-hindi kukunsintihin ng MMDA ang anumang maling gawain tulad ng “kotong” o “payola” at iba pang ilegal na aktibidad sa hanay nito.

Iginiit ni Artes patuloy na tinutugis ng ahensya ang mga tiwaling empleyado bilang bahagi ng pinaigting na cleansing program nito para matanggal ang mga maling tauhan.

Sinabi ni MMDA General Manager Usec. Procopio Lipana, na nakatanggap siya ng ulat mula sa IIO ng ahensya na si Gaza ay sangkot sa mga aktibidad ng pangingikil.

Dahil dito nagsagawa agad ng imbestigasyon at nalaman na totoo ang extortion activity ni Gaza.

Ayon kay Lipana nakumbinsi ang nagrereklamo na magsampa ng pormal na reklamo, pagkatapos ay agad na nakipag-coordinate ang MMDA sa NCRPO para isasagawa ang entrapment operation.

Nagsagawa ng entrapment operation ang mga awtoridad, kung saan ang may-ari ng kumpanya ng trak ay nagbigay ng marked money na nagkakahalaga ng P5,000 kay Gaza.

Si Gaza, ay dinala sa RSOG Compound para sa imbestigasyon at tamang disposisyon, kung saan nahaharap ito sa kasong Robbery Extortion at paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act. — sa panulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author