dzme1530.ph

MIC hinimok na mag-invest sa NGCP

Iminungkahi ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Maharlika Investment Corporation (MIC) na mag-invest sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Panawagan ito ni Romualdez kasunod ng blackout sa Panay Island, Guimaras at ilan bahagi ng Western Visayas, kung saan ang itinuturong salarin ay ang NGCP.

Naniniwala ang House leader na makakatulong sa capitalization ng NGCP ang ilalagak na puhunan ng MIC para magawa ang kinakailangang imprastraktura na magiging daan upang bumababa ang bayarin sa kuryente.

Ibayong epekto rin umano ang idudulot nito sa ekonomiya lalo’t higit sa energy security at renewable energy integration.

Hinimok din ni Romualdez ang Energy Regulatory Commission o ERC na imbestigahan ang sanhi ng power outage, hindi lang para may mapanagot kundi malaman ang ugat ng problema.

Dagdag pa nito, kung papasok ang MIC sa energy sector, malaking hakbang ito tungo sa inaasam na reliable, efficient at sustainable energy infrastructure sa bansa. —ulat mula kay Ed Sarto, DZME News

About The Author