dzme1530.ph

MIAA, nangakong tatapusin ang ginagawa nilang electrical audit sa NAIA

Tiniyak ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang kanilang pangakong tatapusin ang ginagawang electrical audit gayundin ang pagsasaayos ng kanilang mga pasilidad.

Ito’y para hindi na maulit ang nangyaring power outage partikular na sa NAIA Terminal 3 noong Mayo a-1 at nito lang Hunyo a-9 na naka-apekto sa libu-libong pasahero.

Ayon kay MIAA Officer-in-Charge Bryan Co, napatunayan naman ng MServ ang kanilang kapasidad at kakayahan batay sa kanilang track recod at naibigay naman nila ang angkop na serbisyo sa electrical systems sa NAIA.

Nakipagpulong na rin anya sila sa MServ at Manila Electric Company (MERALCO) upang ilatag ang kanilang comprehensibong plano upang matiyak na walang detalyeng makalulusot sa imbestigasyon.

Maliban sa electrical issues, sinisikap na rin ng MIAA ang mabilis na pagpapalit ng ilang bahagi ng paliparan tulad ng mga passenger boarding bridge, chillers, pag-upgrade ng taxiway at expansion ng CCTV coverage.

Gayundin ang digitalization ng airport operations at passenger system maging ang pagdaragdag ng immigration counters na siyang gagarantiya sa mabilis at maalwan na pagbiyahe ng mga pasahero. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News

About The Author