Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga naabalang pasahero ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3
Ito’y kasunod ng nangyaring power outage sa nasabing paliparan kaninang pasado alas-12 ng tanghali na tumagal ng mahigit 1 oras.
Kaagad nagpulong ang mga opisyal ng MIAA hinggil sa naturang usapin at para tukuyin ang pinagmulan ng naturang aberya
Sa pulong balitaan ngayong hapon, sinabi ni MIAA Acting General Manager Brian Co na nagsagawa kasi sila ng electrical audit sa roadway 1 at 2 ng nabanggit na terminal
Ayon kay Co, pansamantalang isinara ang mga naturang roadway upang isailalim sa comprehensibong pagsusuri ng kanilang Engineering Department
Gayunman, naiwan ang isang testing equipment sa naturang roadway na siyang nagdulot ng short circuit na nagresulta naman ng pagkawala ng kuryente
Sa nangyaring insidente kanina pito anya ang naapektuhang flight sa departure at arrival matapos ang power outage.
Nagkaroon lamang anya ng mabagal na usad ng mga pasahero sa immigration counter dahil nag reboot ang mga computer matapos maibalik ang supply ng kuryente ng Meralco. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News