Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na simula sa susunod na Lunes, Nov. 13, mahararap sa hanggang P30,000 na multa ang mga motoristang gagamit sa EDSA bus lane.
Una nang inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang resolusyon na nagtataas sa penalty ng mga dadaan sa exclusive city bus lane o bus carousel lane sa kahabaan ng EDSA.
Sa ilalim ng bagong regulasyon, ang first offense ay may katapat na multang P5,000.
P10,000 multa naman at isang buwan na suspensyon ng driver’s license, pati na pagsasailalim sa road safety seminar ang parusa sa ikalawang paglabag.
Para sa third offense, P20,000 na multa at isang taon na suspensyon ng driver’s license habang ang fourth offense ay P30,000 na multa at rekomendasyon sa Land Transportation Office na bawiin ang lisensya. —sa panulat ni Lea Soriano