Ipinaalala ng Department of Health sa mga adolescent na kailangan nilang protektahan ang kanilang mga sarili laban sa vaccine-preventable diseases sa pamamagitan ng booster shots, kahit nabakunahan na sila noong sila ay mga bata.
Ipinaliwanag ni Dr. Janis Asuncion Bunoan-Macazo ng Child, Adolescent, and Maternal Health Division ng DOH Disease Preventions and Control Bureau, na mayroong mga bakuna na bumababa ang proteksyon pagkalipas ng ilang taon.
Ayon kay Macazo, ang mga adolescent na edad 10 hanggang 19 ay kailangan ng boosters para sa Measles-Rubella Vaccine, at Tetanus Diptheria Vaccine.
Maaari rin aniya na magpaturok ng boosters bilang karagdagang proteksyon laban sa Hepatitis A, Hepatitis B, Influenza, at Varicella o Chickenpox mula sa private pediatricians. —sa panulat ni Lea Soriano