![]()
Nagbabala ang mga eksperto sa kalusugan kaugnay ng tinatawag na mini stroke o transient ischemic attack, na maaaring maging babala ng mas malubhang stroke kung hindi agad mabibigyan ng pansin.
Ayon sa mga doktor, ang mini stroke ay nangyayari kapag panandaliang nahihinto ang daloy ng dugo papunta sa utak.
Bagama’t mabilis lang ito nawawala, delikado pa rin dahil maaari itong mauwi sa ganap na stroke.
Ilan sa mga karaniwang sintomas ng mini stroke ay ang biglaang pananamlay ng mukha, braso, o binti—lalo na sa isang bahagi ng katawan.
Kasama rin dito ang hirap sa pagsasalita o pag-unawa, panlalabo ng paningin, pagkahilo, at kawalan ng balanse.
Ipinapayo ng mga eksperto ang paggamit ng FAST method upang matandaan ang mga senyales: face drooping, arm weakness, speech difficulty, at time na agarang paghingi ng tulong medikal.
Upang maiwasan ang mini stroke, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkontrol sa hypertension, na isa sa mga pangunahing sanhi nito.
Dapat din umanong bantayan ang antas ng asukal at kolesterol sa katawan.
Pinapayuhan din ang mga tao na itigil ang paninigarilyo, bawasan ang pag-inom ng alak, at panatilihin ang regular na pag-eehersisyo.
Ang pagkain ng masustansyang pagkain tulad ng prutas at gulay ay malaking tulong din.
Paalala ng mga doktor na kahit pansamantala lamang ang mga sintomas ng mini stroke, huwag ito ipagwalang-bahala. Ang maagang pagpapasuri at gamutan ay maaaring makapagliligtas ng buhay at makapigil sa mas malubhang komplikasyon.
