dzme1530.ph

Mga senador, nakidalamhati sa pagpanaw ni dating MMDA Chairman Fernando

Nagpahayag ng pakikidalamhati ang ilang senador sa biglaang pagpanaw ni dating MMDA Chairman Bayani Fernando.

Inilarawan pa ni Senate President Migz Zubiri si Fernando bilang visionary man na hindi nauubusan ng mga malalaking ideya at buong tapang na ipinatutupad.

Sa pagsisikap anya ni Fernando na maging maayos ang Metro Manila, tinitiyak niyang magiging concrete achievements ang kanyang mga konsepto upang patunayan na maaaring mangyari ang imposible.

Idinagdag pa ni Zubiri na wala ring pagod si Fernando at palaging nauuna sa pagresponde man o sa pangangasiwa sa public works.

Para naman kay Senador Francis Tolentino na nagsilbi rin bilang MMDA Chairman, si Fernando ay isang great leader na hind nauubusan ng innovation at creativity na nakatulong nang malaki upang malampasan ng Metro Manila ang iba’t ibang pagsubok.

Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva na hinahangaan ng marami ang kanyang Ninong na si Fernando dahil sa kanyang dedikasyon at transformative leadership na naging susi sa pag-unlad at kaayusan hindi lang ng lunsod ng Marikina kundi ng buong Metro Manila.

Habang sinabi ni  Senador Lito Lapid na ang masigasig at makulay na personalidad ni Fernando sa napakahabang panahon ng paglilingkod sa Lungsod ng Marikina, sa Metro Manila, at sa buong bansa, ay nakaukit na sa kasaysayang pulitikal ng Pilipinas.

Iginiit naman ni dating Senador Panfilo Lacson na bilang dating alkalde, nailagay ni Fernando ang Marikina sa mapa bilang ligtas, malinis at disiplinadong local government unit. –sa panulat ni Dang Garcia, DZME News

 

About The Author