Nadagdagan pa ang mga senador na nagpahayag ng suporta sa bagong talagang hepe ng Philippine National Police na si General Benjamin Acorda.
Ayon kay Sen. Christopher ‘Bong’ Go, batay sa kwalipikasyon at karanasan, tiwala siyang kayang gampanan ni Acorda ang tungkulin pamunuan ang napakalaking pwersa ng Philippine National Police.
Batay naman sa mga impormasyon ni Senador Risa Hontiveros mula sa kanyang mga source, itinuturing anyang well-meaning at idealistic si Acorda na mga kwalipikasyong kailangan ng PNP upang mapuksa ang mga isyu sa droga, iligal na sugal at iba pang kasong kriminal na kinasasangkutan ng ilang pulis.
Idinagdag ni Hontiveros na ang karanasan ni Acorda bilang dating pinuno ng intelligence group ay mahalagang asset upang linisin nito ang buong organisasyon sa mga bulok na miyembro.
Naniniwala naman si Senador Robin Padilla na malaki ang magagawa ni Acorda upang bigyang katuparan ang mandato ng PNP na to serve and protect, gayundin ang pagbibigay ng karampatang parusa sa sinumang dudungis sa kanilang tungkulin sa bayan.
Sa nakalipas na mga buwan at araw anya ay kabi-kabila ang mga hamon na hinarap ng pulisya kapulisan bilang institusyon at inaasahan niyang ang bagong hirang na hepe ng PNP ay magiging bagong imahe ng kapulisan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News