Tiniyak ni Senador Sonny Angara na hindi papayagan ng mga senador na masingitan ng ibang agenda ang pagtalakay sa pagbabago sa economic provisions sa saligang batas.
Si Angara ang mamumuno sa subcommittee ng Senate Committee on Constitutional Amendments na tatalakay sa resolusyong nagsusulong ng pagbabago sa tatlong ecconomic provision sa Konstitusyon.
Ayon kay Angara, naninindigan ang mga senador na limitado lamang sa tatlong usapin ang pagbabago sa saligang batas upang mapayagan ang foreign investment sa public services, educational institutions at sa advertising.
Kumpiyansa rin ang senador na mas maganda ang tsansa ngayon ng isinusulong na rebisyon sa konstitusyon dahil maaga pa sa kasalukuyang termino ng Pangulo.
Bukod dito, malinaw anya ang mga isinusulong na pagbabago gayundin ang paraan ng pagsusulong nito na magkahiwalay na pagtalakay at pagboto ng dalawang kapulungan subalit nangangailangan ng 2/3 votes ng Senado at Kamara.
Sinabi ni Angara na sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na linggo ay pag uusapan na nila ang resolusyon at nais niyang mag-imbita ng maraming resource persoon para sa mas malawak na pagtalakay. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News