Pinag-iingat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang mga residenteng nakatira sa paligid ng Taal Volcano sa Batangas, sa harap muling pagtaas ng aktibidad ng bulkan.
Sa Laging Handa Public Briefing, inihayag ni PHIVOLCS officer-in-charge Dr. Teresito Bacolcol na umabot sa 5,831 tons ang naitalang sulfur dioxide emission o paglalabas ng asupre ng bulkan, na lumikha ng vog o makapal at maalikabok na usok.
Umabot din sa 3,000 metro ang taas ng steaming o pagsingaw ng usok.
Kaugnay dito, pinapayuhan ang mga residente na umiwas muna sa outdoor activities at isara ang pintuan ng mga bahay.
Kung hindi naman maiiwasang lumabas ay mainam na magsuot ng face mask, partikular ang N-95 mask.
Pinagdo-doble ingat din ang mga may health condition, buntis, matatanda, at mga bata, at ipina-payo rin ang pag-inom ng maraming tubig kapag nakalanghap ng asupre.
Samantala, itinaas naman sa Alert level 2 ang sitwasyon sa Bulkang Mayon dahil sa pagdalas ng rockfalls o pagpatak ng mga bato, at pinaiiwas ang mga residente sa 6-kilometer danger zone. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News