dzme1530.ph

Mga PNP official na sangkot sa droga, sibakin at kasuhan 

Inirekomenda ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na sibakin na sa pwesto at sampahan ng kaso ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na isinasangkot sa nakumpiskang P6.7-B na shabu sa Maynila noong nakaraang taon.

Ang rekomendasyon ni dela Rosa ay kasunod ng pagbubunyag ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos ng mga pangalan ng mga police officials na sangkot sa nasabat na multi-bilyong pisong droga na hinimok din na maghain na ng Leave of Absence habang patuloy ang imbestigasyon.

Binigyang-diin ng senador na hindi na dapat manatili ang mga opisyal sa kanilang posisyon upang hindi na makaimpluwensya sa magiging resulta ng pagsisiyasat.

Kailangan anyang masampolan ang mga ito ng pananagutan sa kanilang ginawang kalokohan upang hindi na tularan ng iba pang pulis.

Una nang nagsagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni dela Rosa kaugnay sa impormasyon na ginagawang reward sa mga assets ng ilang pulis at ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mga nakukumpiskang droga.

Sa pagdinig, natuklasan din ng mga senador ang pagtatangka ng ilang pulis na kunin ang bahagi ng nakumpiskang droga subalit ibinalik sa Kampo Crame. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author