Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagwawagi ng mga Pilipino sa mga hamon sa kasalukuyan.
Sa kanyang talumpati sa komemorasyon ng ika-503 anibersaryo ng Battle of Mactan sa Lapu-Lapu City ngayong araw ng Sabado, inihayag ng Pangulo na nahaharap ngayon ang bansa sa mga makabagong pagsubok kung saan ang solusyon ay hindi dahas o armas, kundi katapangan, pagkilos, at pagkakaisa.
Ang mga nasabing pagsubok umano ay ang kahirapan, paglaban sa mga sakit, gutom, kamangmangan, kawalang pag-unlad, at salat na oportunidad para sa ikagi-ginhawa ng mga Pilipino.
Bagamat mahirap ang laban, namamayagpag umano ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtatayo ng maraming pagamutan upang labanan ang mga sakit, at mga dagdag na paaralan na sumasagip sa mga dukhang kabataan mula sa salat na kaalaman.
Kasama rin ang paglaban sa gutom at kahirapan sa pamamagitan ng pagbuhos ng tulong para sa mga magsasaka, at pagbubukas ng mga pagawaan at negosyo upang ibsan ang kawalan ng hanapbuhay.