Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na tularan ang kabayanihan at pagmamahal sa bayan na ipinakita ni Gat Andres Bonifacio.
Sa kanyang mensahe para sa ika-160 kaarawan ni Bonifacio ngayong Nov. 30, inihayag ng Pangulo na tinatawag ang mga Pilipino na ialay ang buhay para sa inang bayan, at ibuhos ang husay, galing, tapang, at oras upang makapagbigay ng pag-asa at inspirasyon sa iba.
Pinuri naman ni Marcos ang mga makabagong bayani kabilang ang mga manggagawang Pilipino, mga nars at doktor, mga guro, mga pulis at sundalo, at overseas filipino workers.
Ipina-alala ng Pangulo na ang lahat ay dapat makilahok sa mga gawaing magpapayabong ng kultura, ekonomiya, at lipunan, tungo sa isang bagong Pilipinas.
Ang mensahe ng Pangulo ay binasa ni Executive Sec. Lucas Bersamin sa seremonya sa monumento ni Bonifacio sa Caloocan City. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News